The Earthshaker

Wednesday, March 30, 2011
Hubad na paa'y sa aspalto tumaghoy
Kung saan tutungo ay 'di matukoy
Malamlam na mata'y naglalaro, nagahahanap
Minsa'y napahihinto, tumatanaw sa alapaap

Daang mapagparusa'y tigib sa babala
Kung saan dapat huminto, kumanan, o kumaliwa
Walang pagaatubiling mga paalala'y sinundan
Nagbabakasakali, baka may masumpungan

Hanggang sa pagkakatulog ay biglang nagising
Hiyas ng kamalayan, nanumbalik ang ningning
Nang matunghayan, anghel na luwal ng langit
Tagpi-tagping pangarap ay tuluyang nakamit

Ngunit sa isang tibok ay unti-unting kumupas
Imahe ng pag-asa, sa kilapsaw na wagas
Sa pinid na talukap luha'y pumuslit
Pagpatak sa paa, mga sugat ay nagngalit

Sa paghalik ng langit sa lupa, daan ay nagsanga
Napadungaw sa likod at nagpalingalinga
Paglantad ng katotohanan, balahibo'y nagsitaas
Duguang kalsada, pumpon ng mga rosas

0 comments:

Post a Comment