Ikwento mo sa pagong

Wednesday, April 3, 2024

Isa sa mga naging paborito kong laruan noong ako'y bata ay ang action figure ni Leonardo, isa sa apat na pagong na bumubuo sa grupong Teenage Mutant Ninja Turtles (TMNT). Magilas ang laruang ito sapagkat pwede mo siyang gawing pagong at itransform din upang maging si Leonardo. May kasama din itong dalawang espada na kung tawagin sa Hapon ay katana. Sa madaling salita, nagka lasog lasog ang laruang ito sa dalas ba naman nang pagkakagamit at tunay naman ding nasulit ng mga musmos kong kamay at imahenasyon. Ngunit hindi tungkol kay Leonardo ang nais kong isalaysay. Ang kwento ko ay tungkol sa pagong. Wala na ako pakialam kung anong uri, basta may carapace at plastron ay pagong na yan sa akin. Pinaka unang pagong na aking nakita siguro ay noong grade school pa ako sa tindahan ng mga goldfish at aquarium na ilang hakbang lang sa aming bahay. Ito yung pagong na kulay berde at maliit pa sa palad. Ito nga sana yung gusto kong bilin ni mommy imbis na fighting fish at goldfish kaso nahihiya ako kasi baka mahal. Anyway ano ba meron sa pagong? Wala naman, para lang sa akin kung ako man ay magiging hayop ay gusto ko maging pagong tapos sakin mo na lang ikwento kung ano man gusto mo ikwento. Kung merong 'bahala na si batman', sa kwento naman ako ang iyong tatawagin. Madami din advantage ang pagiging pagong. Una amphibian ito, pwede sa lupa at pwede sa dagat. Di pa naman ako marunong lumangoy so oks na oks ito. Isa pa, di na kailangan ng bahay dahil naka kabit na sa katawan ang bahay nito. Ayos din kung may kailangang pagtaguan o iwasan, ipasok lang ang ulo sa loob at out of sight, out of mind na. Mabagal din ito kumilos kaya walang alintana sa bilis ng mundo, at your own pace ika nga. Vegetarian nga lang pala ito. Ito nama'y napagsasanayan din, ang importante ay makakain. Advantage na din siguro yung pagiging kalbo at no need ng haircut... saka cute yan para sa iba. Hindi rin ito maingay kumpara sa mga ibang hayop... teka, what does the turtle say nga ba? Wa-pa-pa-pa-pa-pa-pow? Mapalad ka pala kung tortoise ka at di mo na kailangan ng pansit sapagkat 100 years ang lifespan mo, makukuha mo pa yung pa 100k ng gobyerno sa mga centenarians. Madami pa for sure ang perks nang pagiging pagong na di ko na nabanggit. Ayos, yun lang siguro ang sasabihin ko. Sana nahikayat kita na mangarap din na maging pagong para may kasama ako. By the way pala, wag niyo sana isisi sa pagong ang pagka ban sa mga plastic straw... kung bat naman kasi pagong pa ang naging mukha ng campaign na ito, pwede namang gorilla nalang ah at may ilong din yun, mas malaki pa. 

0 comments:

Post a Comment