Ang konsepto ng pakikisama ay isa sa mga pinahahalagahang katangian nating mga Pilipino. Sa pakikisama sa ibang tao, handa tayong makiisa at makisimpatya sa anumang kalagayan na dinadanas ng ating kapwa. Kadalasan pa nga, dulot ng lubos lubos na pakikisama, ay handa tayong magtiis ng hirap para sa ating kapwa. Sa mga ganitong pagkakataon, pinipilit pa din natin ang pag ngiti sa kabila ng sakit, pagod, at hirap.
Nakatutuwa ang konsepto ng pakikisama dahil ipinakikita lang nito na tunay nga na likas sa ating mga tao ang pakikihalubilo. Kung sabagay, hindi tayo mabubuhay ng nag iisa lamang. Ayon nga kay John Donne:
"No man is an island, entire of itself... any man's death diminishes me, because I am
involved in mankind, and therefore never send to know for whom the bells tolls;
it tolls for thee."
Siyempre, dahil tao tayo ay kaya nating ilagay ang ating mga sarili sa kalagayan ng ating kapwa tao, 'nakakarelate tayo' ika nga.
Nakaiinis lang isipin na minsan, ang konsepto ng pakikisama ay ine-equate sa konsepto ng imahe o panlabas na katangian.
Natural lamang sa atin na ipresenta ang ating mga sarili sa ating kapwa bilang mga magaganda at mga poging nilalang. Kumbaga, minamarket natin ang ating mga sarili sa ibang tao. Sino ba naman ang gustong mag mukhang panget sa mundong ayaw sa mga panget. Masokista ka siguro kung okay lang sayo yun. Pero dapat nating tandaan na ang panlabas na anyo ay isa lamang mababaw na sukatan ng ating pagkatao. Nangingibabaw pa din ang kagandahan at kapogian ng ating ugali at asal. Sa kabila nito, hindi mapagkakaila na may mga taong mas pinahahalagahan ang kanilang kababawan. Kung sabagay, ang ating panlabas na imahe ang unang bagay na nabinibigyang pansin ng ating kapwa.
Ang pakikisama sa kapwa sa pamamaraang mababaw ay pagsisinungaling. Ito ay pagsisinungaling di lang sa kapwa, pati na din sa sarili. Tinatalo nito ang esensya ng kabuluhan ng pakikisama. Tinatanggalan nito ang pakikisama ng elemento ng sinseridad. Sa madaling salita, hipokrito ka kung ganito ka. Mas uunahin mo pa ba ang iyong imahe kaysa sa tunay mong saloobin? Ngingiti ka pa din ba kahit galit na galit ka na? Tatango ka pa din ba kahit ayaw mo na? Pipilitin mo pa din ba kahit hindi mo na kaya? Bakit hindi mo na lang sabihin yung totoo, pinahihirapan mo lang yung sarili mo at niloloko mo yung kapwa mo. Siguro naman, hangad din ng iyong kapwa ang iyong ikabubuti. Ikaw nga yung nakikisama sa kanya e, kumbaga tinatanawan ka pa niya ng utang na loob. Huwag mo naman ito sayangin sa iyong kababawan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment