Tuesday, November 4, 2014
hindi man sukat matanaw ang pisi'y
ultimo'y masusubok at masusubok din
sa labis na galit at pagkapoot ng bathala'y
walang pag aatubiling pinutol ang tanikala
ng gumagaralgal, ulol na tikbalang
mula sa kaibuturan ng canto ikalabing dalawa

sa itinangi at pininturahan ng krus na pula
hatid ay humaharurot na palasong isinumpa
habang buhay na pagkakaitan ng mapanuksong idlip
ang minalas o pinalad, mistulang pagala-galang tuta
halos mabaliw sa mga ikinaila na ngayo'y ipinipilit

di rin naglaon ay nagsawa ang pawis ng mga mata
masangsang na dugo ang sa mga pisngi'y gumatla
hindi na hinayaang magnaknak at maglangib
sa lawang nilikha, ang sarili'y ikinandili
unti-unting nilamon ng malapot na putik
baga lang ang nagpumiglas, ang tanging di mapipigil

 

0 comments:

Post a Comment