17/100

Sunday, July 1, 2018


Naaalala ko pa nang ika'y unang nakita

Ako'y napalukso at napalundag sa tuwa

Isang manikang oso, nako! hala!

Ngiti mo palang ako'y napasaya



Ikaw ang bitbit sa tuwi-tuwina

Maski sa pagtulog ay yapus-yapos ka

Hindi na nagsawa at sa panaginip din

Tayo’y naglalaro sa isang lihim na hardin



Lumipas mga taon naging matalik na magkaibigan

Habulan sa tirik ng araw, tampisaw sa ulan

Gusgusin man kung tayo'y kanilang kantsawan

Kaligayahan naman natin ay di matatawaran



Mga mata mo'y napagmasadan akong lumaki

Nakitang umiyak, tumawa, at ngumiti

Siguro kung sa mundo ko'y ikaw ay tao rin

Sa laro ng buhay ay tayo at tayo pa rin



Ngayong ako'y ganap na malaki

Kamay ko'y di na akma sa bisig mong ga-daliri

Sa mata ng iba ikaw ay isa lamang laruan

At ang tulad ko daw sayo'y di na dapat magtangan



Ang dating musmos na puso ngayo'y natutong umibig

Na ang buhay ay di lang saya, mayroon ding pighati

Siguro kung sa mundo koy ikaw ay tao rin

Sa laro ng buhay ay tayo at tayo pa rin



Ikaw ngayon sa ibang bata’y akin nang ipauubaya

Gabayan mo siya tulad ng sa ating pagsasama

Sapagkat sa mata ng iba ikaw ay isa lamang laruan

At ang tulad ko daw sayo'y di na dapat magtangan



Siguro kung sa mundo ko'y ikaw ay tao rin

Sa laro ng buhay ay tayo at tayo pa rin

0 comments:

Post a Comment