ako at ako
isang lipas na kamalayan
na iminulat sa isang hawlang
gawa sa rehas na pinanday
ng pagaatubili at kahinaan ng loob
ako at ako
lumaki ng paurong
sa natutunang kamangmangan
at di man lang kinailangang
lapatan ng kandado ang pintuan
pagkat hindi mangangahas na tumakas
ako at ako
sa isang sulok natutulog ng mahimbing
sa gabing lahat ay gising
na kung magkataon man
ay huling pagbibigyan
o unang ipagbibigay
ako at ako
nagtatanong, naghahanap, nagbabakasakali
na kahit katiting na anomalya
sa kinagisnang sistema
ay may pagasa pa para sa isang mundo
na ang ako at ako
ay hindi at wala
nananalangin sa isang tagapagligtas
na magpapalaya
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment