Ang Pakikipag-sapalaran ni Eks sa Loob ng Kaloob-looban 2

Friday, March 5, 2010

Disyembre 2009, unang linggo

Malapit na ang bakasyon noon, kaya naman mababakas na rin ng bahagya ang saya sa mukha ni Eks. Ngunit may bumabagabag pa rin sa kanyang isipan. Kinakailangan niya nang maghanap ng ibang matutuluyan sapagkat paaalisin na siya sa boarding house na kanyang tinitirhan, dahil maski ang may-ari nito ay pinaaalis na rin. Hindi pa niya alam kung ano ang dahilan, basta ang nasa isip niya lang ay kung saan siya lilipat. Tumingin-tingin si Eks sa mga ads na nakapaskil sa mga poste at bulletin boards tungkol sa bedspace for males, halos lahat ng nakita niya ay for females. Sa kanayang paghahanap, dalawa lamang ang nakita niya na panglalaki. Tinext niya agad ang mga nakuhang numero ngunit isa lang ang nagreply. Natuwa naman siya dahil saktong sa loob din ng unibersidad ang bedspace na maaari niyang lipatan at mura din ang renta sa halagang 1,500 kada buwan. School week nang nag text siya kaya sabi niya sa nagpapaupa na dadaan na lang siya ng Sabado. Nang dumating ang Sabado, ginawa niya muna noong umaga ang kanyang nakagawiang paglilinis ng mga gamit, kaya noong hapon na lang si Eks naging libre upang puntahan ang nasabing paupahan. Nagtext muna siya sa nagpapaupa na pupunta na siya sa kanila. Nadismaya si Eks sa tugon na kanyang natanggap, may nauna na daw na umupa at nakapagbayad na ito. Pasensya na lang daw.

Nginitian na lamang niya ang sarili…

May roommate si Eks, at maski ang roommate niya ay naghahanap ng malilipatan. Ilang araw na lang at bakasyon na pero hindi pa si Eks nakakahanap ng malilipatan. Buti na lamang at nakahanap na pala ang roommate niya at niyaya nito si Eks na tignan ang lugar. Tinext ni Eks ang magulang niya ukol dito, at pinayuhan siya na mag-downpayment na para kahit papaano ay may sigurado na silang malilipatan at di na sila mamroblema sa pasukan.

Nagpunta sila Eks sa bahay na kanilang titignan at nagdala nga siya ng perang pang downpayment. Sa labas pa pala ito ng unibersidad at kinakailangan pang mag dyip upang makarating dito. Ilang sandali lamang at nakarating na sila sa kanilang pupuntahan. Matayog ang paupahan na ito na binubuo ng limang palapag. Sa bawat palapag, maliban sa pinakababa (ito ang lugar ng may-ari), ay iisa lamang ang kuwarto. Matarik at maliit ang hagdanan na inakyat nila. Sa ikalawang palapag lamang mayroong kuwartong pangdalawahan, ngunit may nakaupa na dito (nagkataon pa na kakilala ni Eks ang taong ito, at babae nga pala siya). Palilipatin na lang daw ng may-ari ang babaeng border sa ikalimang palapag kung lilipat sina Eks sa boarding house na iyon. Naalala ni Eks ang bilin ng kanyang magulang na mag down na, ngunit nahihiya siyang sabihin iyon sa kanyang roommate. Hindi na nga niya nasabi ito, hanggang sa umalis na sila. Ang sabi ng roommate niya ay maaaring dun na lamang sila tumira kung wala na talagang silang makikita pang ibang puwedeng lipatan.

Kampante na si Eks sa sitwasyon. Sa loob-loob niya ay mayroon na siyang puwedeng lipatan kaya hindi na siya maghahanap pa ng iba. Ayos na iyon sa kanya…

Ika- 31 ng Disyembre, bisperas ng Bagong Taon 2010

Di-mapakali si Eks. Punong-puno na siya ng takot at pangamba. Naisip na naman niya ang konsepto ng time machine.

Masama ito…

Nalaman ni Eks na hindi pa pala payag na lumipat ng kuwarto yung border na nasa pangdalawahang kuwarto. Tinetext niya ang kanyang roommate, ngunit para bang…

Tinext rin niya ang may-ari ng apartment ngunit…

Hindi na niya malaman kung ano ang gagawin. Siguradong pagagalitan siya ng kanyang mga magulang pag nalaman nila ito. Ngunit kung mananatili naman siyang tahimik, wala siyang titirhan para sa pasukan.

Hapon na noong nagkaroon si Eks ng lakas ng loob na sabihin sa kanyang mga magulang ang MALAKING problema. Tama ang kanyang hula, PINAGALITAN nga siya.

Hindi man dumurugo ang mga salita,

dinidikdik naman nito ang kaluluwa.

Ang pinakamapait na luha,

ay siyang hindi bumabaha.

(Sa mundo ng mga manloloko, kailangan ikaw din ay mangloko upang di ka ma-gago.)

P.S. Nakahanap ang magulang ni Eks ng boarding house na kanyang matutuluyan na mas-maganda pa kaysa sa dati niyang tirahan.

0 comments:

Post a Comment