Ang Pakikipag-sapalaran ni Eks sa Loob ng Kaloob-looban 1

Friday, October 16, 2009
Mapanglaw na ang kulay sa kanyang mukha at nanlilimahid na ito sa langis. Masakit na ang kanyang ulo sa tagal ng oras na inilaan para sa isang make-up class. Lampas tanghalian na nang matapos ang klase. Ito na rin ang pinakahuling klase niya para sa buong termino.

Dumiretso kaagad siya sa Bio Bldg. upang alamin ang resulta ng kanyang huling eksamen sa biology. Nais niyang alamin kung exempted na siya sa finals, kating-kati na kasi siyang makauwi sa probinsya.

Habang papalapit na siya sa pintuan ng bldg. ay bigla niyang nakita ang kanyang propesor sa Bio na saktong pa-pasok din sa loob ng gusali. Huminto muna siya ng paglakad at hinintay muna niyang makapasok sa gusali ang kanyang guro. Nahihiya siyang makasabay ito.

Nang makapasok na si Eks sa loob ay umakyat muna ito sa ikalawang palapag upang mag-cr. Sa kanyang paglakad ay nakita naman niya ang kanyang laboratory instructor na nagbibigay ng lab eksam sa mga estudyante. Tamang-tama sapagkat hindi pa rin niya nakikita ang resulat ng dalawang lab eksam niya. Kailangan din kasi na mapasa ang lab eksam upang maging exempted sa finals.

Naisipan niya na unang pumunta sa kanyang propesor bago sa lab instructor. Nasa may pintuan na siya. Kailangan na lang niyang kumatok. Biglang may pumigil sa kanya. Inatake nanaman si Eks ng kanyang hiya. Tinignan niya ang oras sa kanyang cellphone at natambad sa kanya na lunch brake pa pala. Gumaan muli ang kanyang loob.

Umalis muna siya upang maupo at magpahinga sa kabilang bldg., matao kasi sa Bio Bldg. Hindi na muna siya nananghalian sapagkat 30 mins lang naman ang kailangan niyang hintayin. Pinatay niya ang oras sa pagbabasa ng Walden at pag-idlip ng sandali.

Ala-una noong muli siyang bumalik sa Bio Bldg. Dumiretso siya sa kuwarto ng kanyang propesor at doon ay nag-ipon siya ng lakas ng loob upang kumatok sa pinto. Tok tok tok.

"Come in, the door is open." Alam na ng kanyang propesor ang kanyang pakay kaya napadali na ang kanyang trabaho. Itinanong lang sa kanya kung ano ang exam no. at iniabot kaagad ang kanyang test booklet. Suwerte, pasado.

Pagkaraan nito ay nagtungo naman siya sa kuwarto ng kanyang lab instructor. Muli siyang nag-ipon ng lakas ng loob upang kumatok. Tok tok tok.

Walang sumagot. Tok tok tok.

Wala talaga.

Nawala ang kanyang kaba ngunit siya naman ay nalungkot. Gustong-gusto na talaga kasi niyang umuwi sa kanila. Kailangan na lang niyang malaman kung kukuha ba siya ng finals sa Bio.

Sa kanyang paglabas ay nakita niya ang lab instuctor na pa-pasok ng gusali. Biglang tumalikod si Eks at nagtago panandali. Natuwa siya ngunit muli siyang kinabahan. Sadyang mahiyain lang talaga kasi siya. Hanggat maaari ay ayaw niyang makisalimuha sa iba, maliban na lang kung kapamilya niya ito o matalik na kaibigan.

Nakipagtalo muna siya sa kanyang sarili bago siya nagkaroon ng lakas upang harapin ang kanyang lab instructor. Kailangang gawin niya ito upang malaman niya kung makakauwi na ba talaga siya sa probinsya.

Saktong pag-punta niya sa kuwarto ng lab instructor ay siya namang lumabas ito. Bigla ulit siyang tumalikod at nagtago. Naging maluwag muli ang kanyang dibdib ngunit nainis siya sa kanyang sarili.

Dalawang pagkakataon ang kanyang sinayang... nagpasakop kasi siya sa bugso ng kanyang damdamin.

Umuwi na lang si Eks sa bahay na kanyang tinutuluyan. Naiinis sa sarili.

0 comments:

Post a Comment