DFA, bakit naman ganyan?

Wednesday, November 30, 2022

Ang pagpila (queuing) ay isang paraan ng pagkakaroon ng kaayusan (order) at pagpapakita ng disiplina bilang isang taong marunong gumalang sa kanyang kapwa tao. Ngunit kung ito ay aabusuhin ng may kapangyarihan (e.g. ang nagpapapila/ang sinasadya), maski sino man ay mawawalan ng gana sa isang disiplinadong sistema. Sino ang hindi maiinis sa pag pila ng mahigit sa sampung oras at paghinatayin sa isang paradahan (parking lot) na napakainit at wala man lang maayos na lagusan ng hangin (ventilation). Bukod pa diyan ay wala din mapahiram na palikuran (rest room) at ika'y palalabasin pa sa gusali upang maka-ihi. Sino ba ang karamihan na sa inyo ang nagsasadya? Hindi ba ang mga makabagong bayaning OFW na malaki ang inaambag sa ekonomiya ng bansa? DFA, bakit naman ganyan? Ito ay maling mali at kung may pagkakamali ay mayroon din dapat managot at maparusahan. Ngunit sino ang napaparusahan? Hindi ba't ang mga pumipila at nagtiyatiyaga sa isang bulok na sistema? 

Palpable

Thursday, November 3, 2022

I.

Ika-tatlong sunod na gabi na ito na wala akong tulog. Hindi na din ako mabibigla kung ito’y magtatagal pa ng ilang mga araw. Ang mga boses ay lalong lumalakas, dumadalas at mas nagiging klaro. Maski sa tanghaling tapat ay hindi na ako tinatantanan. “Talon… tumalon ka na.” 

Nakatakda kaming magkita noon pagkatapos ng kanyang shift sa pinapasukan niyang bookstore. Si Flor ay isang part-time book keeper sa isang maliit na shop na malapit sa aking tinutuluyan. Doon din kami unang nagkakilala. Hindi ko malilimutan ang unang pagkakataon na siya’y aking nasilayan. Naka talungko ako noon sa may ibaba ng estante ng mga librong fiction habang tangan tangan sa aking mga kamay ang The Memoirs of Sherlock Holmes. Nakabukas ang libro sa pahina na may larawan ng isang talon kung saan sa harapan nito ay may dalawang tao na tila nagbubuno. Habang pinagmamasadan ang nakaguhit ay bigla na lang may tinig ng babae akong narinig na pabuyong nagsabing "mabubuhay pa yan..."

Napatingala ako sa aking kanan at dagling napa atras ng kaunti nang magsalubong ang aming mga mata. Bilugan at kapwa maitim ang kanyang mga pagod na mata na sa kabila ng bakas ng panahon ay may ningning ng sigla. Medyo pahaba ang kanyang mukha na kinokoronahan ng maikling tabas ng itim na buhok na bahagya lang lumalapas sa ilalim ng kanyang mga tenga. Sa aking kinaroroonan ay muka siyang mas maliit pa sa akin at akoy hindi rin naman katangkaran. Hindi rin gaano malaman ang hubog ng kanyang katawan na nilalamon ng maluwag niyang puting blusa na halatang ilang oras na din sumasabak sa trabaho. Typical... sa loob loob ko.

Napa "ah ok" na lang ako. Sa totoo lang, ilang beses ko na din naman nabasa ang istoryang iyon. Hindi ko rin gaano nagustuhan ang bigla niyang pagsulpot sa aking personal space. Ginamitan ko siya ng aking supladong tingin sa pagasang aalis at lulubayan niya ako. Gayun pa man, ako pa din ang sumuko. Ang ilang segundo ay mistulang mga minuto kung ikaw ay naiirita.  

Ako'y tumayo at nakaambang nang umalis nang bigla niyang hinawakan ang aking kamay. Malamig.  "Ano po ba yun?", siyang aking umay na binanggit habang mahinahong pumiglas sa kanyang pagkakahawak. "Ikaw ba yung muntik nang mahagip nung van dun sa may Espanya?" Kasabay ng pagtinding ng aking mga balahibo ay nagbalik sa akin ang lahat at tila huminto ang aking paligid. Nabasag lang katahimikan nang sumigaw ang kahera ng "Flor!". Bakat sa mukha niya ang pagkadismaya at bago pa man siya umalis ay nagsabing, "bukas ng alas-singko y media ng hapon sa may BPI sa kanto".